Iniulat ng Department of Health (DOH) nitong Martes na nakapagtala pa sila ng 1,146 bagong kaso ng COVID-19 sa bansa mula Oktubre 16 hanggang 22, 2023 lamang.
Batay sa National COVID-19 Case Bulletin ng DOH, nabatid na ang average na bilang ng bagong kaso kada araw ngayong linggo ay nasa 164.
Ito ay mas mababa ng 8% kumpara sa mga kasong naitala noong Oktubre 9 hanggang 15.
Ayon sa DOH, sa mga bagong kaso, 22 ang may malubha at kritikal na karamdaman.
Samantala, mayroon namang naitalang siyam na pasyente ang sinawimpalad na pumanaw noong Oktubre 9 hanggang 22, 2023.
Anang health department, hanggang noong Oktubre 22, 2023, mayroon ring 221 malubha at kritikal na pasyente na naka-admit sa mga ospital dahil sa COVID-19.
Sa 1,465 ICU beds anila para sa mga pasyenteng may COVID-19, nasa 173 o 11.8% ang okupado.
Nasa 2,118 naman o 16.9% ng 12,536 non-ICU COVID-19 beds ang kasalukuyan ding ginagamit.
Kaugnay nito, patuloy na pinapaalalalahan ng DOH ang lahat na huwag maging kampante sa banta ng COVID-19.
Anang DOH, dapat pa ring ipagpatuloy ng mga mamamayan ang tamang pagsunod sa minimum public health standards sa ilalim ng Alert Level 1.
Paalala pa ng kagawaran, laging magsuot ng best-fitted face mask at kung maaari ay manatili sa well-ventilated na mga lugar.#
Sa oras naman anila na makaramdam ng sintomas ng sakit ay kaagad na mag-isolate.
Mas makabubuti rin kung magpapabakuna at magpapa-booster bilang karagdagang proteksyon laban sa banta ng COVID-19.














