Iniulat ng Department of Health (DOH) nitong Martes na mula Oktubre 23 hanggang 29, 2023 ay nakapagtala pa sila ng 1,088 bagong kaso ng COVID-19 sa bansa.
Batay sa National COVID-19 Case Bulletin, nabatid na ang average na bilang ng bagong kaso kada araw ngayong linggo ay nasa 155.
Ito anila ay mas mababa ng 5% kumpara sa mga kasong naitala noong Oktubre 16 hanggang 22, 2023.
Anang DOH, sa mga bagong kaso, 10 ang may malubha at kritikal na karamdaman.
Samantala, mayroon namang naitalang 13 na pumanaw dahil sa COVID-19, kabilang ang 10 na binawian ng buhay noong Oktubre 16 hanggang 29.
Sinabi ng ahensiya na hanggang nitong Oktubre 29, 2023, mayroong 259 na malubha at kritikal na pasyente na naka-admit sa mga ospital sa bansa dahil sa COVID-19.
Sa 1,462 ICU beds anila para sa mga pasyenteng may COVID-19, nasa 160 o 10.9% ang okupado.
Samantala, 1,985 naman o 15.9% ng 12,494 non-ICU COVID-19 beds ang kasalukuyan ding ginagamit.
Kaugnay nito, patuloy ang paalala ng DOH sa publiko na huwag maging kampante sa banta ng COVID-19.
Bagkus, dapat anilang ipagpatuloy ng lahat ang tamang pagsunod sa minimum public health standards sa ilalim ng Alert Level 1.
Paalala pa ng kagawaran, laging magsuot ng best-fitted face mask at kung maaari ay manatili sa well-ventilated na mga lugar.
Sa sandali naman anilang makaramdam ng sintomas ng virus ay kaagad nang mag-isolate.
Para naman sa karagdagang proteksyon, dapat na rin anilang magpabakuna at booster shots laban sa COVID-19.














