DOH, Nagpa-alala: Air Quality Index, i-monitor

By: JAYMEL MANUEL

Mahigpit na pinaalalahanan ng Department of Health (DOH) ang publiko na subaybayan at masusing i-monitor ang Air Quality Index (AQI) sa kanilang lugar upang makatulong na maiwasan ang maruming hangin, kasunod ng mga ulat ng haze kamakailan sa Quezon City at Rizal.

Anang DOH, mayroong dalawang karaniwang ginagamit na indicator para sa Air Quality Index at ito ay ang Particulate Matter 10 micrometers (PM 10), at PM 2.5.


Kapwa umano karaniwang nagmumula ito sa mga emisyon ng sasakyan, pagsunog ng basura, wildfire, o mga insidente ng sunog.

Ang PM 10 ay nagdudulot umano ng pangangati ng upper respiratory tract tulad ng sinuses at lalamunan habang ang PM 2.5 naman ay maaaring makapasok nang malalim sa baga at maging sanhi ng mga pag-atake ng hika, at maaari ring tumawid sa dugo at pagmulan ng mga problema sa ating cardiovascular system.


Ayon sa DOH, ang mga indibidwal na sensitibo sa polusyon sa hangin tulad ng mga may hika, emphysema, chronic obstructive pulmonary disease (COPD), at mga katulad na kondisyon ay pinapayuhan na dapat palaging may nakaantabay na mga gamot pansagip, gaya ng Salbutamol, at iba pa, para gamitin, ayon sa reseta ng kanilang mga doktor.

Para naman sa mga sensitibong indibidwal at sa pangkalahatang publiko na rin, dapat na iwasan o bawasan ang pagkakalantad sa haze o maruming hangin sa labas sa pamamagitan ng pananatili sa loob ng bahay.


“Kung kailangan lumabas, magsuot ng face mask: mas mabuti na ang N95 mask,” payo ng DOH.

Tags: Department of Health (DOH)

You May Also Like

Most Read