Itinaas ng Department of Health ang Code White Alert hanggang Ika-2 ng Nobyembre sa buong bansa kaugnay ng Undas.
Ayon sa DOH, ang Code White Alert ay hudyat ng kahandaan ng mga ospital kung saan ang mga healthworkers tulad ng mga general at orthopedic surgeons, anesthesiologists, internists, operating room nurses, ophthalmologists at otorhinolaryngologists ay handang tumugon anumang oras o sa mga emergency. Kasama rin na naka alerto ang Operations Center (OPCEN) ng mga ospital para makipag-ugnayan at mag-ulat sa mga regional at central office ng Kagawaran.
Pinapayuhan naman ng Kagawaran ang publiko na planuhing bumisita sa sementeryo sa mga oras na hindi gaanong matao. Makatutulong din na magdala ng tubig, pagkain, first aid supplies at payong.
Para sa mga magmamaneho, tiyaking maayos ang lagay ng sasakyan sa pamamagitan ng pagsuri sa BLOWBAGSET (Battery, Lights, Oil, Water, Brakes, Air, Gas, Self, Engine, Tools). Pinapayuhan ding ‘wag nang magmaneho ang mga puyat at nakainom ng alak.
Habang nasa sementeryo, manatiling hydrated, iwasan ang tindi ng sikat ng araw, mag-sanitize ng mga kamay at maging alerto sa mga sintomas ng heat stroke gaya ng pagkahilo at pagkawala ng malay.
Samantala, patuloy din ang paalala ng DOH sa publiko sa pamamagitan ng official Facebook page nito para masigurong ligtas ang paggunita ng Undas. #