Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa publiko laban sa pagpapapako sa krus at pananakit sa sarili ngayong Semana Santa.
Ayon kay DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan ang mga naturang aktibidad at maaari rin aniyang magkaroon ng mga galos at sprain kung magpapapako sa krus.
Kabilang aniya sa sakit na maaaring makuha sa mga naturang aktibidad ay tetanus o impeksiyon dahil sa bakterya na tinatawag na Clostridium tetani.
“‘Yung flagellation, ‘yung pagpapako sa krus, we do not encourage and we really do not push for or support these kinds of activities during the Lenten season,” ani Vergeire.
“Unang una, ang maaari niyong makuha ‘pag kayo ay nagpapapako sa krus ay tetano. Maaring ma-tetano rin kayo sa flagellation, ‘yung hinahampas, minsan may mga pako rin ‘yung dulo ng panghampas,” dagdag pa niya. (Anthony Quindoy)