Nagbabala ang isang opisyal ng Department of Health (DOH) sa publiko nitong Miyerkules laban sa mga sakit na maaaring idulot ng El Niño phenomenon.
Ayon kay Maria Belinda Evangelista ng Health Emergency Management Bureau ng DOH, kabilang sa mga sakit na nakukuha dahil sa kakulangan sa suplay ng tubig ay pagtatae at mga sakit sa balat.
Maaari rin aniyang makaranas ng pagkahapo at heat cramp ang isang tao kung masyadong mataas ang temperatura.
Dagdag ni Evangelista, maaari ring magkaroon ng pagkalason, hika, pagsusuka at iba pang sakit na dulot ng pagkain ng isdang apektado ng Red Tide, na posibleng sumibol dahil sa El Nino.
Bukod dito, posible rin aniyang sumulpot ang cholera, typhoid fever at maging ang mga vector-borne diseases tulad ng dengue.
Kaugnay nito, pinayuhan rin ni Evangelista ang publiko na magsagawa ng kaukulang mga pag-iingat upang makaiwas sa mga sakit bunsod ng El Niño.
Anang DOH, dapat na siguruhing malinis ang pinagkukuhaan ng suplay ng tubig at tipirin ito at gamitin ng wasto.
Dapat ring uminom ng sapat na tubig at manatiling well-hydrated at huwag magbilad sa matinding sikat ng araw.
Kung hindi naman maiwasang lumabas ng bahay, dapat na gumamit ng sunblock, payong o sumbrero at anumang pananggalang sa init ng panahon.
Upang maging kumportable, mas makabubuti ring magsuot ng mga damit na presko, manipis o may komportableng tela.
Bago niyan, sinabi ng PAGASA na lumalaki ang posibilidad na maramdaman na ang epekto ng El Niño sa bansa.