Dalawang lalawigan sa Ilocos Region ang pinagkalooban ng pondo, Barangay Health Station (BHS) packages, at dental equipment ng Department of Health (DOH).
Mismong si DOH-Ilocos Region Regional Director Paula Paz M. Sydiongco ang nanguna sa pagkakaloob ng mga naturang donasyon sa mga lalawigan ng Ilocos Norte at Ilocos Sur, sa magkahiwalay na turn over ceremony sa Batac Museum Ilocos Norte at sa Ilocos Sur Provincial Farmers Livelihood Center sa Vigan City.
Nabatid na para sa Ilocos Norte, 24 sets ng BHS packages na nagkakahalaga ng P500,000 ang ipinamahagi sa health facilities ng 2nd District, kabilang ang 11 sets para sa lokal na pamahalaan ng Solsona, 11 sa Pinili LGU, isa sa City of Batac, at isa sa Nueva Era.
Ang BHS package ay binubuo ng isang dressing cart, minor surgical set, mechanical bed, spine board, EENT diagnostic set, weighing scale na may BMI calculator, weighing scale para sa mga sanggol, fetal doppler at examining table, medicine cabinet, instrument cabinet, nursing kit, tabletop sterilizer, at generator set 10kva na pinondohan sa pamamagitan ng Health Facility Enhancement Program (HFEP).
Para sa Ilocos Sur, isang complete set ng walong dental chairs na nagkakahalaga ng P168,000 ang naibigay sa district hospitals ng Magsingal at Gabriela Silang at anim na iba pang rural health units sa lalawigan, kabilang ang 11 sets ng dental instruments na nagkakahalaga ng P22,000 para sa prevention at control ng dental diseases at promosyon ng dental health sa mga komunidad.
Ani Regional Director Paula Paz M. Sydiongco, ang mga medical equipment ay pinondohan sa ilalim ng General Appropriations Act of 2023.
Nag-turn over din naman si Sydiongco ng 20% (first tranche) ng project allocation funds mula sa HFEP para sa construction/ completion/upgrading/repair ng Ilocos Sur District Hospitals kabilang ang ?4 milyon para sa Santa Lucia; P2,960,000 para sa Cervantes; P4,366,000 para sa Salcedo; P5 milyon sa Tagudin; P2 milyon sa Magsingal; P6,020,000 sa Narvacan; at ?4 milyon sa Sinait.
Namigay rin ang regional office ng HPV vaccines sa Ilocos Sur Provincial Office para sa pagbabakuna sa may 9-14 taong gulang na mga babae.
Hinikayat pa ni Sydiongco ang mga health officials na iprayoridad ang HPV vaccination at tiyaking ang mga bakuna ay maayos na maipapamahagi.
“Continue advocating for all Routine Vaccines and seek Zero-dose Children and provide them the needed immunization for their health and safety,” aniya pa.














