Nasa 10 newborn hearing screening machines ang itinurn-over ng Department of Health (DOH) – Ilocos Region sa mga level 1 health facilities sa rehiyon, bilang bahagi ng kanilang Universal Newborn Hearing Screening Program (UNHSP) para sa prevention, early diagnosis, at intervention ng hearing loss sa mga sanggol.
Sa isang kalatas nitong Miyerkules, sinabi ni Regional Director Pula Paz M. Sydiongco na mahalagang magkaroon ng hearing screening ang lahat ng sanggol upang matukoy agad kung may problema sila sa pandinig.
“Napakahalaga na magkaroon ng hearing screening ang lahat ng infants upang malaman kung sila ay may problema sa pandinig, especially during their early development, because it can affect their ability to communicate effectively. Hearing is necessary in the speech development and mental growth of a child,” pahayag pa ni Sydiongco, na siyang nanguna sa turn-over ceremony na idinaos sa San Juan, La Union kamakailan.
“Through hearing, babies develop speech and language skills by listening and imitating sounds from the environment. It enables them to bond with their parents and other members of the family dahil nagkakaroon sila ng voice recognition kasama na ang pagunawa sa mga verbal cues. Infants acquire knowledge through auditory stimulation and any delay or impairment in hearing can significantly impact an infant’s cognitive, social, and emotional development,” paliwanag pa niya.
Nabatid na kabilang sa mga nakatanggap ng newborn hearing screening devices ay ang Piddig District Hospital, Doña Josefa Edralin Marcos District Hospital sa Ilocos Norte; Ilocos Sur District Hospital – Narvacan, Ilocos Sur District Hospital – Bessang Pass, Ilocos Sur District Hospital – Salcedo sa Ilocos Sur; at Bolinao Community Hospital, Umingan Community Hospital, Dasol Community Hospital, Manaoag Community Hospital at Pozorrubio Community Hospital sa Pangasinan.
Anang DOH-Ilocos Region, ang mga hearing screening devices ay nagkakahalaga ng ?412,500 bawat isa, o kabuuang ?4,125,000. Kasama rito ang handheld unit, cradle, carrying bag, probe cord at thermal printer.
Kaugnay nito, binigyang-diin naman ni Assistant Regional Director Rodolfo Antonio M. Albornoz ang kahalagahan ng pagkakaroon ng newborn hearing screening units sa mga public health facilities sa rehiyon.
Aniya, “Kasama na dito ang pagkakaroon ng isang regional registry for newborn hearing registry para malaman natin kung ilan ang infants screened, detected and treated. And from these data we can determine the number of newborns affected by hearing loss and we can provide them the immediate intervention and treatment.”
Magsasagawa aniya ang regional office ng training activity para sa health workers na gagamit ng newborn hearing screening machine upang epektibo nilang ma-operate ang device.
Sinabi naman ni Regional Coordinator for Newborn Screening Cyrus Jed Ramos na nasa kabuuang 16,884 sanggol na ang na-screened nila mula Enero 1, 2023 hanggang Hunyo 30, 2023.
Hinikayat rin naman nila ang mga ina na ipasailalim ang kanilang mga bagong silang na sanggol sa hearing screening test upang matiyak ang kanilang kalusugan at kaligtasan.