Iniulat ng Department of Health (DOH) nitong Lunes, araw ng Pasko, na nakapagtala pa sila ng 16 na bagong kaso ng fireworks-related injuries (FWRI sa bansa.
Sa inilabas na FWRI Report #4 ng DOH, nabatid na ang naturang mga bagong kaso ay naitala lamang mula alas-6:00 ng umaga ng Disyembre 24 hanggang 5:59 ng madaling araw ng Disyembre 25.
Dahil sa mga bagong kaso, umaabot na ngayon sa 28 ang bilang ng mga nabibiktima ng paputok, kabilang ang 10 o 36% na pawang may passive involvement lamang o hindi aktibong nagpapaputok.
Sa mga bagong kaso, isa ang nagtamo ng sugat sa mata na isang passive onlooker lamang sa isang fireworks designated area.
Ang pinakabatang bagong biktima ng paputok ay nasa anim taong gulang lamang habang 35-anyos naman ang pinakamatanda at isa lamang sa kanila ang babae.
“Sixteen (16) new cases reported today (FWRI Report #4 – 6:00 AM of Dec 24 to 5:59 AM of Dec 25) include one (1) eye injury of a passive onlooker at a designated area. The new cases range from 6 to 35 years of age, with only one female,” ulat pa ng DOH.
Ayon pa sa DOH, 94% ng pagpapaputok ay naganap sa tahanan o sa lansangan at karamihan o 31% ay naitala sa National Capital Region (NCR) habang pito sa mga ito o 44% ang gumamit ng legal na paputok.
Kaugnay nito, nagpaalalang muli ang DOH hinggil sa panganib na hatid ng pagpapaputok. “Fireworks use both at or near the home and even at designated areas can still harm even those not lighting them. It is better for professionals at community fireworks displays to do the show, with watchers far away at a safe distance.”
Dagdag pa ng DOH, “Republic Act 7183 and Executive Order 28, s. 2017 regulate and control the use of firecrackers and other pyrotechnic devices. It is unsafe to use any firework, legal or illegal, at home or nearby streets. Many victims are not even involved in lighting them. There is legal basis and a moral duty for local leaders and the police to ensure safety from fireworks.”