Kinumpirma kahapon ni Department of Health (DOH) Secretary Ted Herbosa na humuhupa na ang mga kaso ng respiratory illnesses sa bansa.
Ayon kay Herbosa, ang maaaring dahilan nito ay ang pagkakani-kaniyang bakasyon ng mga tao at wala ring pasok sa mga trabaho at mga paaralan.
“Luckily, kinakausap ko ang aming epidemiology unit, ang sabi humuhupa na raw, parang nag-plateau na ang number of cases. Siguro nagkanya-kanyang bakasyon na dahil wala nang pasok sa trabaho at eskwela, hindi na masyadong kumalat ang respiratory illness,” aniya pa, sa panayam sa radyo.
Sa kabila naman nito, mahigpit pa rin ang habilin ni Herbosa sa publiko, partikular na sa mga taong vulnerable sa karamdaman o yaong matatanda at mga taong may comorbidities, na manatiling maingat lalo na sa pagdalo sa mga parties at mga pagtitipon ngayong holidays.
Paliwanag niya, ang mga ganitong kasiyahan ang lugar kung saan madalas na magkaroon ng hawahan ng mga karamdaman.
Payo niya, kung uubo o sisinga ay dapat na magtakip ng mukha.
Mas mainam rin aniya na kung may nararamdaman sa katawan ay huwag na lamang maki-party at sa halip ay manatili na lamang sa kanilang tahanan upang hindi na makahawa pa ng iba.
Una na ring hinikayat ni Herbosa ang publiko na magpabakuna laban sa flu at magsuot ng face masks, upang hindi na tuluyan pang kumalat ang mga influenza-like illness (ILIs).














