MAMAMAHAGI ang Department of Health (DOH) ng may 50 libreng hearing aid para sa mga kuwalipikadong persons with disabilities (PWDs) sa Calabarzon, at prayoridad umano nilang mabigyan nito ang mga kabataan.
Ayon sa DOH-Calabarzon, kabuuang 15 indibidwal ang isinailalim nitong Martes sa libreng hearing test at assessment sa Batangas Provincial Department of Health Office (PDOHO) na matatagpuan sa Batangas Medical Center Compound, Batangas City.
Ang aktibidad ay pinangunahan ng DOH-Calabarzon Regional Coordinator on Person with Disability and Mental Health na si Paulina Calo.
Ayon kay Calo, ang mga indibidwal na magkukuwalipika ay pagkakalooban nila ng libreng hearing aid na magmumula sa regional office.
“We have allotted 50 hearing aids for PWDs with hearing impairments, at least 10 devices will be given per province. Most of the children being screened have severe to profound hearing loss,” ani Calo.
Nabatid na mayroon na ring 21 PWDs mula sa Quezon, partikular na mula sa mga munisipalidad ng Alabat, Dolores, Mauban at Sariaya, ang naisailalim sa screening sa hearing assessment na isinagawa naman sa Lucena City noong Lunes.
May dalawang bata pa umano ang na-diagnosed na mayroong profound hearing loss sa Mauban, Quezon.
“And profound (deafness) level ay totally wala kang maririnig na speech sound, kung minsan pati malalakas na tunog gaya ng sirena ng ambulansya, tunog ng eroplano o mga busina ng sasakyan. Kaya mas specialized na hearing device ang ibibigay sa kanila upang sila ay makarinig,” paliwanag ni Calo.
Dagdag pa ni Calo, ang diagnostic audiometer ay ginagamit sa pagsusuri at pag-evaluate ng hearing threshold ng isang indibidwal.
Isang audiologist naman ang tumutukoy ng hearing threshold, gayundin sa quantify ng degree of hearing loss ng inang tao.
Ang isang indibidwal aniya ay susukatan ng tamang hearing aid base sa resulta ng pagsusuri sa kanya.
“Priority pa rin natin dito na mabigyan ang mga batang may hearing impairment na nag-aaral o nahinto sap ag-aaral dahil sa kanilang kapansanan,” aniya pa.
Ang isang linggong hearing screening at testing ay isasagawa rin sa mga lalawigan ng Cavite sa Marso 9, sa Laguna sa Marso 10 at Rizal sa Marso 11, 2022. (Carl Angelo)