Malabo umanong makaranas muli ang Pilipinas ng malakihang COVID-19 outbreak, sa kabila nang naitatalang pagtaas ng mga bagong kaso ng sakit nitong mga nakalipas na araw.
Ayon kay Department of Health (DOH) Secretary Ted Herbosa, sa kanyang palagay ay hindi na mauulit pa ang COVID-19 outbreak na nakita noong kasagsagan ng pandemiya, kung kailan na-stress ang health system ng bansa.
Sinabi ni Herbosa na ito’y dahil sa ngayon ay mahigit 74 milyong Pinoy na ang nakatanggap ng proteksiyon mula sa COVID-19 vaccines.
Mayroon na rin aniyang nasa limang milyong indibidwal ang nakakuha na rin ng natural na depensa ng katawan laban sa coronavirus matapos na dapuan sila ng naturang karamdaman.
“I don’t think there will be large or huge outbreak that will stress the health system,” ayon kay Herbosa, sa panayam ng Headstart ng ANC nitong Martes.
Dagdag pa niya, ang takot ng mga tao laban sa COVID-19 ay hindi na katulad noong panahon ng pandemiya lalo na at marami nang alam ang tao tungkol sa naturang virus, at alam na rin nilang proteksiyunan ang kanilang mga sarili.
Tiniyak rin ni Herbosa na mas kumpiyansa na ngayon ang mga doktor kung paano nila gagamutin ang mga bagong kaso ng sakit.
Hindi aniya tulad noong kasagsagan ng pandemya na takot ang lahat, at hindi lamang mga pasyente, kundi maging mga doktor at nurses ang namamatay dahil sa virus.