Nakatakdang mag-deploy ang Department of Health (DOH) ng mga doktor sa San Carlos City, Negros Occidental upang beripikahin ang mga napaulat na kaso ng amoebiasis doon.
Sa isang press briefing nitong Martes, sinabi ni DOH officer-in-charge (OIC) Maria Rosario Vergeire, na mayroon ng 189 kaso ng amoebiasis na napaulat sa lungsod.
Ang mga naturang epidemiologists ay bibiyahe aniya bukas, Miyerkules, upang tumulong sa kanilang Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU) sa Region 6.
“We are now sending our team here from the Epidemiology Bureau to go to our Region 6 para matulungan ang aming Regional Epidemiology and Surveillance Unit,” aniya pa. “They will go to San Carlos City tomorrow to verify this event.”
Base sa inisyal na impormasyon, ang pagtaas ng bilang ng pagtatae ay maaaring nagmula sa kontaminadong tubig.
Noong Pebrero 22, una nang nagdeklara si San Carlos City Mayor Renato Gustilo ng state of health emergency dahil sa tumataas na kaso ng amoebiasis. (Jaymel Manuel)














