Pinaalalahanan ni Department of Health (DOH)-Ilocos Regional Director Paula Paz M. Sydiongco ang publiko na umiwas sa paggamit ng mga ilegal na paputok, kabilang ang boga, na siya aniyang pangunahing sanhi ng mga naitatalang firework-related injuries (FWRI) tuwing holiday season.
Ang paalala ay ginawa ni Sydiongco matapos na makapagtala ang DOH-Ilocos Region ng pitong kaso ng FWRI hanggang nitong araw ng Pasko lamang.
Sa datos na inilabas ng DOH regional office nitong Martes, nabatid na lima sa mga biktima ay mula sa Pangasinan habang dalawa naman ang mula sa La Union.
Ayon sa Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU), tatlo sa mga kaso ay naitala noong Disyembre 22, tatlo naman noong Disyembre 23 at isa noong Disyembre 25.
Lima sa mga biktima ay dumanas ng blast/burn at isa ang kinailangang putulan ng bahagi ng katawan habang dalawa naman ang nagtamo ng eye injuries.
Nabatid na boga ang sanhi ng pagkasugat ng limang biktima habang kwitis naman ang nakabiktima sa dalawang iba pa.
Anim sa mga biktima ay mga lalaki habang isa naman ang babae.
Pinakabatang nabiktima ng paputok ay apat na taong gulang lamang habang ang pinakamatanda naman ay 33 taong gulang.
“Kahit ano pa mang uri ito ng paputok, iwasan na po nating gumamit o magsindi nito dahil lahat ng ito ay may panganib na dala,” paalala pa ni Sydiongco.
“Mangyaring gumamit na lamang ng alternatibong bagay na makakapagbigay ng malakas na ingay upang maging ligtas sa pagsalubong sa bagong taon,” dagdag pa niya.
Pinayuhan rin naman niya ang mga mamamayan na sakaling masugatan dahil sa paputok ay kaagad na kumonsulta sa doktor.
Tiniyak rin niya na ang lahat ng personnel ng Health Emergency Management Teams at Health Management Service ay handang magkaloob ng emergency service, kabilang na ang public health unit staff.
“We are continuously monitoring firework related injuries/events in the region in observance of the holiday season, together with other concerned agencies,” paniniguro pa ni Sydiongco.
Una nang iniulat ng DOH nitong Martes, na umaabot na sa 25 ang FWRIs na kanilang naitala hanggang alas-6:00 ng umaga ng Disyembre 27, na mas mataas ng 14% kumpara sa naitalang 22 lamang sa kahalintulad na petsa noong nakaraang taon. (Jaymel Manuel)