Kabuuang 136 na diabetic patients ang nakinabang sa idinaos na libreng Retinopathy Screening ng Department of Health (DOH)– Ilocos Region sa Luna, La Union, sa unang dalawang araw pa lamang aktibidad, noong Pebrero 16 at 17, 2023.
Sa isang pahayag nitong Sabado, sinabi ni Francisco de Vera Jr., Regional Program Manager ng Essential Non-Communicable Disease, na target nilang makapag-accommodate pa ng mas maraming pasyente na may problema sa mata ngunit hindi naman diabetic, sa mga aktibidad na isasagawa nila sa mga susunod na araw.
“Marami rin kasi sa ating mga senior citizen na nanlalabo na ang mga mata due to old age at kailangang dumaan ng eye screening upang mabigyan ng mga eyeglasses na me tamang grado para magamit nila sa pang araw-araw nilang gawain,” ani de Vera.
Nabatid na ang libreng diabetic retinopathy screening ay isinasagawa sa pakikipagtuwang sa Ophthalmology Department ng Ilocos Training and Regional Medical Center (ITRMC).
Nanawagan naman si Regional Director Paula Paz M. Sydiongco sa lahat ng diabetic patients sa rehiyon na i-avail ang naturang free mobile eye screening.
“We will be visiting more communities this year and seek out patients, especially those living in GIDAs. Kailangang lahat ng may sakit na diabetes ay masuri at mabigyan ng tamang gamot at operasyon sa mata upang hindi sila tuluyang magkaproblema,” pagtiyak pa ni Sydiongco.
“Lahat naman ito ay libre at walang anumang babayaran ang mga pasyente,” pagtiyak pa niya.
Ani Sydiongco, ang susunod na mobile eye screening ay isasagawa nila sa bayan ng Caba, sa La Union sa Marso 9-10, 2023. (Carl Angelo)