Umaabot na sa halos 700,000 Pinoy ang naturukan na ng unang COVID-19 booster shot sa ilalim ng inilunsad na “PinasLakas” campaign ng pamahalaan.
Ayon kay Department of Health (DOH) officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, ang naturang numero ay naitala hanggang noong Agosto 6 lamang.
Umaabot na rin aniya sa 43,000 ang mga senior citizen na naturukan nila ng bakuna.
“As of August 6, we have already vaccinated almost 700,000 individuals for the first booster shot, and for the senior citizen, mga 43,000 po,” ani Vergeire, sa panayam sa telebisyon nitong Lunes.
Sinabi ni Vergeire na higit rin nilang pinaigting ang kanilang kampanya at inilalapit na mismo ang mga bakuna sa mga komunidad, upang mapabilis pa ang booster coverage ng bansa, sa gitna nang patuloy na dumaraming COVID-19 infections.
Ilang matataong lugar ang ginawa na rin aniya nilang vaccination sites, gaya ng mga palengke, mga lugar sambahan, workplaces, at maging mga paaralan.
Matatandaang ang PinasLakas campaign ay inilunsad ng DOH noong Hulyo 26 sa buong bansa.
Layunin nitong makapagturok ng booster shots sa may 23.8 milyong Pinoy o 50% ng eligible population sa unang 100 araw sa puwesto ni Pang. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr..
Target rin nitong makapagbakuna ng 90% ng mga target na senior citizens sa naturang panahon.
Una nang sinabi ng DOH na upang maabot ang target ay kailangan nilang makapagbakuna ng 397,334 indibidwal kada araw, sa loob ng 60-araw.
Gayunman, bigo ang pamahalaan na maabot ang naturang daily goals.
Dahil dito, sinabi ni Vergeire na kailangan nilang dagdagan ang daily target sa mga susunod na araw at magbakuna ng 443,892 katao at 20,774 senior citizens araw-araw, upang maabot ang kanilang target hanggang sa Oktubre 8. (Carl Angelo)














