Latest News

DOH: Halos 20K bagong kaso ng COVID-19, naitala mula Hulyo 18-24

Iniulat ng Department of Health (DOH) nitong Lunes na nakapagtala sila ng kabuuang 19,536 bagong kaso ng COVID-19 sa bansa mula Hulyo 18 hanggang 24 lamang o 2,791 average na bagong kaso kada araw.

Batay sa lingguhang National COVID-19 Case Bulletin ng DOH, nabatid na ang naturang bilang ay mas mataas ng 33% kumpara sa mga naitalang kaso noong Hulyo 11 hanggang 17.


“Mula Hulyo 18 hanggang 24, 19,536 na bagong kaso ang naitala sa bansa. Ang average na bilang ng bagong kaso kada araw ngayong linggo ay nasa 2,791, mas mataas ng 33 percent kung ikukumpara sa mga kaso noong Hulyo 11 hanggang 17,” anang DOH.

Sinabi ng DOH na sa mga bagong kaso, 56 ang may malubha at kritikal na karamdaman.

Mayroon naman anilang naitalang 42 na pumanaw ngunit wala sa mga ito ang naganap noong Hulyo 11 hanggang 24.


“Noong ika-24 ng Hulyo 2022, mayroong 666 na malubha at kritikal na pasyente na naka-admit sa ating mga ospital dahil sa COVID-19. Sa 2,664 ICU beds para sa mga pasyenteng may COVID-19, 578 (21.7%) ang okupado. Samantala, 26.0% ng 22,331 non-ICU COVID-19 beds naman ang kasalukuyan ding ginagamit,” ulat pa ng DOH.

Idinagdag nito na mahigit sa 71 milyong indibidwal o 91.61% na ng target na populasyon ng pamahalaan ang bakunado na rin laban sa COVID-19 habang 15.9 milyong indibidwal naman ang nakatanggap na ng kanilang booster shots.


“Sa kabilang banda, 6.7 milyong senior citizens o 77.87% ng ating target A2 population ang nakatanggap na ng kanilang primary series,” anito pa.

Pinapaalalalahan ring muli ng DOH ang lahat na huwag maging kampante sa banta ng COVID-19.


“Bagkus, dapat natin ipagpatuloy ang tamang pagsunod sa minimum public health standards sa ilalim ng Alert Level 1. Paalala ng Kagawaran ng Kalusugan na laging magsuot ng best-fitted face mask at kung maari, manatili sa well-ventilated na mga lugar. Sa oras na makaramdam ng sintomas, AGAD NA MAG-ISOLATE. Para sa karagdagang proteksyon laban sa banta ng COVID-19, agad-agaran na tayong magpabakuna at booster,” anito pa. (Philip Reyes)

Tags: Department of Health (DOH)

You May Also Like