Pirmado na ang guidelines para sa paggamit ng second COVID-19 booster para sa general population.
Ito ang inihayag ni Department of Health (DOH) officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, kasabay ng pagsabi na ang naturang guidelines ay ire-release na nila sa mga local government units (LGUs).
“We already signed the guidelines nito pong isang araw lamang at ito po ay ipapakalap na sa ating mga local government units,” ani Vergeire.
Kabilang sa mga eligible na tumanggap ng ikaapat na dose ng bakuna laban sa COVID-19 ay ang sinumang 18-taong gulang pataas, pregnant at lactating women,at mga immunocompromised individuals.
Napag-alaman din na ang mga COVID-19 vaccines na mula sa Pfizer, Moderna at AstraZeneca ang siyang gagamitin para sa second booster at mahigit na sa 78.4 milyong Pinoy ang fully- vaccinated na laban sa COVID-19.
Samantala,hinimok ni Vergeire ang lahat ng lokal na pamahalaan na maisama na ang COVID-19 vaccination sa kanilang pang-araw-araw na programa at serbisyong pangkalusugan.
“We encourage all local governments na ma-integrate ang COVID-19 vaccination dito sa ating pang-araw-araw na health programs and services sa ating mga primary care facilities,” ayon pa kay Vergeire.














