By: JANTZEN ALVIN
Muling nilinaw ng Department of Health (DOH) na hindi nila inirerekomenda ang paggamit ng glutathione drip o injectable glutathione sa pagpapaputi ng balat, habang nagbabala rin ito na ang paggamit ng Vitamin C injection ay maaaring magdulot ng kidney stones.
Ang pahayag ay ginawa ng DOH kasunod na rin ng nag-viral na larawan ng showbiz personality na si Mariel Rodriguez habang nagpapa-drip sa loob ng tanggapan sa Senado ng kanyang asawang si Sen. Robin Padilla.
Unang napaulat na gluta drip ang ginagamit ng aktres ngunit malaunan ay nilinaw niya na Vitamin C lamang ito.
Ayon sa DOH, mariin nilang tinututulan ang paggamit ng glutathione upang magpaputi ng balat.
Paliwanag nito, ang injectable glutathione ay aprubado lamang ng Food and Drug Administration (FDA) bilang adjunct treatment sa cisplatin chemotherapy at hindi para sa skin lightening.
“’The DOH does not support the use of glutathione for skin whitening,” pahayag pa ng DOH. “Through Food and Drug Administration (FDA) Circular No. 2019-182 [1], DOH categorically states that there are no published clinical trials that have evaluated the use of injectable glutathione for skin lightening. There are also no published guidelines for appropriate dosing regimens and duration of treatment.”
“Injectable glutathione is approved by FDA Philippines as an adjunct treatment in cisplatin chemotherapy. The FDA has not approved any injectable products for skin lightening,” anito pa.
Dagdag pa ng DOH, ang injectable glutathione ay minsang pinaparesan ng intravenous Vitamin C upang umano’y maging mas epektibo sa pagpapaputi.
Gayunman, anang DOH, ang Vitamin C injection ay maaaring mabuo bilang bato sa bato kung ang ihi ay acidic.
“Vitamin C injection may form kidney stones if the urine is acidic. Large doses of Vitamin C have resulted in hemodialysis in patients with glucose-6-phosphate dehydrogenase (G6PD) deficiency,” anang DOH.
Ipinaliwanag pa ng DOH na sa sandaling naaprubahan na ng FDA ang isang inireresetang gamot para makapasok sa merkado ng Pilipinas, hindi na maaaring i-regulate ng DOH mismo o ng FDA ang pagrereseta ng mga doktor ng mga naturang gamot para sa kanilang mga pasyente.
Dagdag nito, “Physicians are authorized by their license to practice medicine granted by the Professional Regulation Commission (PRC).”
Pinayuhan naman ng DOH ang publiko na sakaling nakaranas ng anumang side effect sa paggamit ng anumang uri ng gamot, kabilang ang injectable glutathione, ay kaagad na kumonsulta sa doktor at i-report ito sa FDA sa pharmacovigilance@fda.gov.ph o sa kanilang website na www.fda.gov.ph. Maaari rin umanong tumawag sa Center for Drug Regulation and Research sa mga numero ng teleponong (02) 8809-5596.
Dagdag pa ng DOH, “For the next steps to take should you think that injectable glutathione was wrongly prescribed for you by a physician, please consult a practicing lawyer or the Public Attorney’s Office for legal advice on matters such as medical negligence and what may be done in the interest of justice.”