DOH: Dengue cases sa Pinas, tumaas ng 90%

Iniulat ng Department of Health (DOH) nitong Lunes na tumaas ng 90% ang naitatalang dengue cases sa Pilipinas.

Base sa National Dengue Data na inilabas ng DOH, nabatid na umaabot sa 64,797 dengue cases ang naitala sa bansa mula Enero 1 hanggang Hunyo 25, 2022 lamang.


Mas mataas ito ng 90% kumpara sa naitalang 34,074 dengue cases lamang na naitala sa kahalintulad na petsa noong 2021.

Iniulat rin naman ng DOH na nasa 274 katao ang namatay dahil sa dengue, o may 0.4% case fatality rate.

Sa naturang dengue deaths, 36 ang naitala noong Enero; 32 noong Pebrero; 39 noong Marso; 46 noong Abril; 63 noong Mayo at 58 naman noong Hunyo.


Samantala, ayon sa DOH, ang 21,115 bagong dengue cases ay naitala mula lamang Mayo 29 hanggang Hunyo 25, 2022.

Sa naturang bilang, 18% o 3,902 cases ang mula sa Central Luzon; 11% o 2,316 cases ang mula sa Central Visayas, at 9% o 1,997 cases ang mula sa National Capital Region (NCR).


Una nang sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire noong Biyernes na ang pagdami ng naitatalang dengue cases sa bansa ay nakakabahala na.

Pinaalalahanan na rin ng DOH ang publiko na patuloy na mag-ingat upang hindi makagat ng lamok at dapuan ng dengue, sa pamamagitan nang pagpa-practice ng 4S behaviors o Search and destroy breeding places; Secure self-protection; Seek early consultation; at Support fogging or spraying in hotspot areas, partikular na ngayong panahon ng tag-ulan. (Arsenio Tan)


Tags: Department of Health (DOH)

You May Also Like

Most Read