Iniulat ng Department of Health (DOH) nitong Lunes na naobserbahan nila ang patuloy na pagtaas ng mga kaso ng dengue sa bansa nitong nakalipas na mga linggo.
Batay sa datos na ibinahagi ng DOH, nabatid na sa nakalipas na tatlo hanggang apat na linggo ay nakapagtala sila sa bansa ng 9,486 dengue cases.
Ayon sa DOH, ito ay 16% na mas mataas kumpara sa naunang dalawang linggo.
Nabatid na mula Enero 1 naman hanggang Hulyo 15, nakapagtala na rin ang DOH ng kabuuang 80,318 dengue cases sa bansa.
Inaasahan naman ng DOH na mas tataas pa ang naturang bilang sa mga susunod na araw dahil na rin sa mga huling ulat o late reports.
“Nationally as of July 15, 2023 (Morbidity Week 28), a total of 80,318 cases were reported. Continuous increase in dengue cases was observed since MW 14–cases reported in the recent 3-4 weeks show a 16% increase, with 9,486 cases, compared to the previous two weeks,” ayon sa DOH.
Kinumpirma rin ng DOH na ang lahat ng rehiyon sa bansa, maliban sa Region II, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), at Caraga ay nakitaan rin nang pagtaas ng mga kaso sa nakalipas na tatlo hanggang apat na linggo.
Nasa 990 naman anila ang naiulat na severe dengue, at 299 pasyente ang sinawimpalad na bawian ng buhay dahil sa karamdaman.
Ang 40 sa mga ito ay iniulat na dengue ngunit wala namang warning signs.
Ayon sa DOH, ang dengue ay isang uri ng sakit na nakukuha mula sa kagat ng lamok.
Karamihan umano sa mga kaso ng dengue ay asymptomatic o may mild na sintomas lamang, maaari itong maging lumala at mauwi sa kamatayan kung hindi maaagapan.
Walang pinipiling dapuan ang sakit dahil maaari itong makaapekto maging sa bata man o matanda.
Payo ng DOH, sa sandaling makaramdam ng anumang sintomas ng sakit ay kaagad nang kumonsulta sa doktor.