Latest News

DOH: Daily average number ng bagong COVID-19 cases, tumaas ng 53%

Iniulat ng Department to Health (DOH) nitong Lunes na tumaas pa ng 53% ang daily average ng mga naitatalang bagong COVID-19 cases sa bansa nitong nakalipas na linggo.

Batay sa inilabas na weekly COVID-19 update ng DOH, nabatid na mula Hunyo 20 hanggang 26, 2022, nasa 4,634 ang bagong kaso ng sakit na kanilang naitala sa bansa.

“Ang average na bilang ng bagong kaso kada araw ngayong linggo ay nasa 662, mas mataas ng 53 percent kung ikukumpara sa mga kaso noong Hunyo 13 hanggang 19,” anang DOH.

Sa mga bagong kaso, 14 ang may malubha at kritikal na karamdaman.

Mayroon rin namang naitalang 51 na pumanaw at wala sa mga ito ang naganap noong Hunyo 13 hanggang 19.

“Noong ika-26 ng Hunyo 2022, mayroong 591 na malubha at kritikal na pasyente na naka-admit sa ating mga ospital dahil sa COVID-19. Sa 2,628 ICU beds para sa mga pasyenteng may COVID-19, 391 (14.9%) ang okupado. Samantala, 18.1% ng 22,251 non-ICU COVID-19 beds naman ang kasalukuyan ding ginagamit,” anang DOH.

Iniulat rin ng ahensiya na mahigit sa 70 milyong indibidwal o 78.17% ng kanilang target na populasyon ang bakunado na laban sa COVID-19 habang 14.9 milyong indibidwal naman ang nakatanggap na ng kanilang booster shots.

Nasa 6.7 milyong senior citizens o 77.48% naman ng target na A2 population ang nakatanggap na ng kanilang primary series.

Kaugnay nito, mahigpit pa rin ang paalala ng DOH sa lahat na huwag maging kampante sa banta ng COVID-19.

“Bagkus, dapat natin ipagpatuloy ang tamang pagsunod sa minimum public health standards sa ilalim ng Alert Level 1. Paalala ng Kagawaran ng Kalusugan na laging magsuot ng best-fitted face mask at kung maari, manatili sa well-ventilated na mga lugar,” anito.

Sa oras anilang makaramdam ng sintomas ay dapat na kaagad na mag-isolate upang hindi na makahawa pa ng iba.

Para naman sa karagdagang proteksyon laban sa banta ng COVID-19, agad-agaran na tayong magpabakuna at magpaturok ng booster shots. (JANTZEN TAN)

Tags:

You May Also Like

Most Read