BUMABA ng 1.4% ang naitalang daily average ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa bansa noong nakaraang linggo.
Sa weekly COVID-19 update ng Department of Health (DOH) na inilabas nitong Lunes, nabatid na mula Mayo 30 hanggang Hunyo 5, 2022, nasa kabuuang 1,295 na bagong kaso ang naitala sa bansa o may average na 185 kaso kada araw.
“Ang average na bilang ng bagong kaso kada araw ngayong linggo ay nasa 185, mas mababa ng 1.4 percent kung ikukumpara sa mga kaso noong Mayo 23 hanggang 29,” anang DOH.
Anila, sa mga bagong kaso, 16 ang may malubha at kritikal na karamdaman.
Mayroon rin namang naitalang isang pumanaw dahil sa karamdaman at hindi ito naganap noong Mayo 9 hanggang 22.
Ayon pa sa DOH, noong Hunyo 5, 2022, mayroong 599 na malubha at kritikal na pasyente na naka-admit sa mga ospital sa bansa dahil sa COVID-19.
Mula anila sa 2,632 ICU beds na nakalaan para sa mga pasyenteng may COVID-19, nasa 386 (14.7%) lamang naman ang okupado.
Samantala, 18.1% lamang ng 22,245 non-ICU COVID-19 beds naman ang kasalukuyan ding ginagamit.
Sa kabila nito, patuloy pa rin namang pinapaalalalahan ng DOH ang lahat na huwag maging kampante sa banta ng COVID-19.
“Bagkus, dapat natin ipagpatuloy ang tamang pagsunod sa minimum public health standards sa ilalim ng Alert Level 1. Paalala ng Kagawaran ng Kalusugan na laging magsuot ng Best-fitted facemask, agad naag-Isolate sa oras na magkasintomas, Doblehin ang proteksyon sa bakuna at booster, at piliin ang lugar na maganda ang airflow,” anang DOH. (Jaymel Manuel)