Nananawagan ang Department of Health (DOH) sa publiko na patuloy na istriktong tumalima sa health and safety protocols na ipinaiiral ng pamahalaan laban sa COVID-19 upang protektahan ang kanilang mga sarili, sakaling makapasok na sa bansa ang monkeypox virus.
Muli rin namang inilabas ng DOH ang isang public health advisory para sa monkeypox nitong Sabado ng gabi, ilang oras matapos na magdeklara ang World Health Organization (WHO) isang “public health emergency of international concern,” na pinakamataas na alarma na maaari nitong ipalabas laban sa naturang virus.
Ayon sa DOH, gaya ng minimum public health standards para sa COVID-19, ang mga pamamaraan upang maiwasan ang hawahan ng monkeypox virus ay kinabibilangan ng pagsusuot ng mga best-fitted mask, pagtiyak ng good airflow, pagpapanatiling malinis ang kamay at pag-obserba ng physical distance.
Sinabi rin ng ahensiya na ang smallpox vaccine ay napatunayang ‘85%’ na epektibo para makaiwas sa monkeypox.
“Sa interes na protektahan ang publiko mula sa sakit at sa maling impormasyon, muling ibinabahagi ng Kagawaran ng Kalusugan (DOH) ang advisory na ito sa Monkeypox na inilabas noong Mayo 26, 2022,” anang DOH, sa isang Facebook post.
“Kamakailan lamang, in-optimize na ng DOH-Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ang Realtime PCR assay nito para sa pag-detect ng #Monkeypox Virus bilang bahagi ng pambansang paghahanda at pagtugon. Ang mga surveillance system ng DOH ay aktibong sinusubaybayan ang sitwasyon,” anito pa.
Tiniyak rin naman ng DOH na handang-handa na sila sakaling tuluyan nang makapasok sa bansa ang monkeypox. (Carl Angelo)














