Tiniyak ng Department of Health (DOH) na ang mga bakuna laban sa COVID-19 ay nananatiling mabisa pa rin laban sa JN.1, na bagong subvariant ng Omicron.
Sa isang panayam sa Teleradyo Serbisyo nitong Lunes, sinabi ni Health Undersecretary Eric Tayag na wala pa silang natatanggap na anumang ebidensiya na ang bakunang itinurok sa mga mamamayan, at maging ang mga bagong bakuna sa ibang bansa, ay wala nang proteksiyon laban sa mga bagong subvariant ng COVID-19 na nagsusulputan sa ngayon.
Sa datos ng DOH, nabatid na nakapagtala na sila ng 18 kaso ng JN.1 sa bansa, at ang lahat ng mga ito ay nakarekober na mula sa karamdaman.
Siniguro naman ni Tayag na kahit magaling na ang mga pasyente ay nananatiling nakabantay at namamanman ang DOH laban sa naturang bagong Omicron subvariant, lalo na at naideklara itong isang variant of interest ng World Health Organization (WHO).
Paniniyak pa Tayag, wala pa ring nakikitang dahilan ang DOH upang ibalik na ang mandatory na pagsusuot ng face mask sa bansa.
Pinayuhan na lamang niya ang mga mamamayan na patuloy na praktisin ang health protocols, gaya ng madalas na paghuhugas ng kamay at social distancing.
Mas makabubuti rin aniya kung magpapabakuna o magpaturok ng booster shot laban sa COVID-19 bilang dagdag na proteksiyon sa ating mga sarili.














