DOH: Average ng daily COVID-19 cases sa bansa, tumaas ng 9.9%

INIULAT ng Department of Health (DOH) nitong Lunes na tumaas ng 9.9% ang average na daily COVID-19 cases na naitala sa bansa nitong linggong ito.

Sa tala ng DOH, nabatid na mula Mayo 16 hanggang 22, 2022, nasa 1,214 na bagong kaso ang naitala sa bansa.


“Ang average na bilang ng bagong kaso kada araw ngayong linggo ay nasa 173, mas mataas ng 9.9 percent kung ikukumpara sa mga kaso noong Mayo 9 hanggang Mayo 15,” ayon sa DOH.

Nabatid na sa mga bagong kaso, 14 ang may malubha at kritikal na karamdaman.

Samantala, mayroon namang naitalang anim na pumanaw kung saan tatlo ay naganap noong Mayo 9 hanggang 22.


“Noong ika-22 ng Mayo 2022, mayroong 718 na malubha at kritikal na pasyenteng naka-admit sa ating mga ospital dahil sa COVID-19. Sa 2,812 ICU beds para sa mga pasyenteng may COVID-19, 432 (15.4%) ang okupado,” anang DOH.

Nasa 17.4% ng 23,697 non-ICU COVID-19 beds naman ang kasalukuyan pa ring ginagamit.


Samantala, iniulat rin ng DOH na nasa mahigit naman sa 69 milyong indibidwal o 76.71% ng target na populasyon ang bakunado na laban sa COVID-19 habang 13.8 milyong indibidwal naman ang nakatanggap na ng kanilang booster shots.

Nasa 6.7 milyong senior citizens o 77.22% naman ng target A2 population ang nakatanggap na ng kanilang primary series.


Kaugnay nito, pinapaalalalahan ng DOH ang lahat na huwag maging kampante sa banta ng COVID-19, lalo na at may mga bagong variant ng virus ang nakapasok na sa bansa.

“Bagkus, dapat natin ipagpatuloy ang tamang pagsunod sa minimum public health standards sa ilalim ng Alert Level 1. Paalala ng Kagawaran ng Kalusugan na laging magsuot ng best-fitted facemask at kung maari, manatili sa well-ventilated na mga lugar. Sa oras na makaramdam ng sintomas, AGAD NA MAG-ISOLATE. Para sa dagdag na proteksyon laban sa banata ng COVID-19, agad-agaran na tayong magpabakuna at booster,” anang DOH. (Philip Reyes)



Tags: Department of Health (DOH)

You May Also Like

Most Read