Pinapayuhan ng Department of Health (DOH) at Department of Agriculture – Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (DA-BFAR) ang publiko laban sa pagkain ng lahat ng uri ng shellfish sa anim na lugar sa bansa, matapos matukoy na kontaminado ng red tide ang mga ito.
Batay sa Shellfish Bulletin No. 05, series of 2024 ng DA-BFAR na may petsang Marso 15, 2024, tinukoy ng DOH ang mga lugar na may toxic red tide na kinabibilangan ng coastal waters ng Milagros sa Masbate; coastal waters ng Dauis at Tagbilaran City sa Bohol; Dumanquillas Bay sa Zamboanga del Sur; San Pedro Bay sa Samar; Matarinao Bay sa Eastern Samar; at sa Coastal Waters ng San Benito sa Surigao del Norte.
Bukod sa lahat ng uri ng shellfish gaya ng tahong,at tulya, hindi rin umano ligtas na kainin ang alamang na makukuha sa mga nasabing lugar.
Gayunman, ligtas naman umano kainin ang mga isda, pusit at mga alimango, maliban sa kanilang mga ulo, basta’t sariwa at nahugasan itong mabuti at mainam rin umano kung aalisin muna ang hasang at bituka bago lutuin at kainin.
Nagpaalala rin ang DOH at DA-BFAR na ang mga palatandaan at sintomas ng paralytic shellfish poisoning ay kaagad na mararamdaman sa loob ng 12 oras pagkatapos kumain ng hindi ligtas na shellfish.
Kabilang sa mga mararanasan ang pamamanhid ng paligid ng bibig o mukha, pagkahilo, ‘pricking sensation’ o pagka-paralisa ng mga kamay at paa. panghihina ng katawan, mabilis na tibok ng pulso at hirap sa paglunok at pagsasalita at maaari rin umanong makaranas ng pananakit ng tiyan, pagsusuka at pagtatae o diarrhea.
Sinabi naman ng DOH na sa sandaling makaramdam ng mga naturang sintomas ay kaagad nang dalhin sa emergency room ang pasyentemg apektado.
“Prevention is the best: do NOT eat tahong, talaba, halaan, other shellfish, and alamang from areas identified with toxic red tide. Always read advisories from DA-BFAR and the DOH, ” ani DOH Secretary Teodoro Herbosa.














