UMABOT sa 84 na ‘rabies deaths’ ang naitala sa bansa sa unang bahagi pa lamang ng 2024.
Napag-alaman kay Department of Health (DOH) Undersecretary Enrique Tayag na ang 84 na rabies cases ay naitala sa bansa mula Enero 1 hanggang Marso 16, 2024 at lahat ng mga pasyente nito ay pawang nasawi.
Samantala, napag-alamang nakikipag-ugnayan na rin ang DOH sa Department of Agriculture (DA) hinggil sa mga insidente ng mga baboy at baka na mayroon ding rabies.
Kaugnay niyan ay pinayuhan ni Tayag ang mga pasyente na kaagad na hugasan gamit ang tubig at sabon, ang bahagi ng katawan nila na nakagat ng mga hayop na hinihinalang may rabies.
Bukod diyan ay dapat rin aniyang kaagad na kumonsulta sa Animal Bite Center at magpabakuna.
“Kumpletuhin niyo ang bakuna, ayon sa schedule na ibibigay,” ayon pa kay Tayag.














