DOH: 8 Pinoy travellers na mula sa China at nagpositibo sa COVID-19, nakatapos na ng isolation; mga close contacts, negatibo sa virus

Nagtapos na ang isolation ng walong Pinoy travelers mula sa China na nagpositibo sa COVID-19.

Sa isang pulong balitaan nitong Martes, sinabi ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na ang mga pasyente na pawang hindi bakunado, ay dumating sa Maynila mula Disyembre 27, 2022 hanggang Enero 2, 2023 kaya’t natapos na ang isolation ng mga ito.

“’Yung 8 ating na-identify as positive coming from China have finished their isolation periods already,” ayon pa kay Vergeire.


Dagdag pa ni Vergeire, karamihan naman sa mga pasyente ay asymptomatic o walang nararamdamang sintomas ng sakit habang ang iba pa ay mayroon lamang mild symptoms ng COVID-19.

Base sa kasalukuyang COVID-19 protocols ng bansa, ang mga pasyente ay maaari nang palabasin sa isolation kung hindi na sila nakikitaan ng sintomas ng sakit sa loob ng pitong araw.


Nabatid na apat sa mga naturang biyahero ay infected ng omicron subvariants BF.7 at BA.5.2.

Samantala, nabatid na mayroong 89 pasahero ang natukoy na close contacts ng walong Filipino travelers.
Isa lamang aniya sa mga ito ang nakitaan ng sintomas ng COVID-19 at wala rin sa kanilang nagpositibo sa virus.


“As to those close contacts of these 8 individuals, wala ng nag-develop further pa ng symptoms,” ani Vergeire. “Wala na rin tayong nakuhang positibong individual.”

Matatandaang ang China ay dumanas ng bagong wave ng COVID-19 infections kaya’t maraming bansa ang naghigpit sa mga biyaherong nanggagaling doon. (Jaymel Manuel)

Tags: DOH Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire

You May Also Like

Most Read