Latest News

DOH: 711 bagong kaso ng Omicron subvariants, natukoy sa Pinas

Iniulat ng Department of Health (DOH) nitong Martes na mayroon pang 711 bagong kaso ng Omicron COVID-19 subvariants ang natukoy sa Pilipinas.

Sa pinakahuling COVID-19 biosurveillance report ng DOH, nabatid na kabilang sa mga naturang bagong kaso ay 264 na BA.5; 259 na BA.2.3.20; 72 na XBB; 28 na XBC; apat ang BA.2.75; tatlo ang BA.4; at 81 na klasipikado bilang ‘other omicron sublineages.’

Sa mga bagong kaso ng BA.5, tatlo ang BQ.1 cases at isa ang BF.7 case; sa mga XBB cases naman ay 10 ang XBB.1.5 cases; habang sa BA.2.75 cases, dalawa ang BN.1 cases at isa ang kaso ng CH.1.1.

Ayon sa DOH, ang lahat ng karagdagang kaso ng BA.5 ay pawang local cases mula sa lahat ng rehiyon, maliban sa Region 10 at BARMM habang ang karagdagang kaso ng BA.2.3.20 ay mula sa lahat ng rehiyon maliban sa Region 8.

Kabilang naman sa mga bagong tukoy na XBB cases ay isang returning overseas Filipino (ROF) habang ang iba pa ay pawang lokal na kaso mula sa Regions 1, 3, 4A, 4B, 5, 6, 7, 11, 12, CAR, at NCR.

Ang mga natukoy namang XBC cases ay pawang local cases mula sa Regions 1, 7, 10, 11, at 12.

Samantala, ang lahat ng kaso ng BA.2.75 ay pawang local cases mula sa Regions 11, CAR, at NCR.

Ang lahat naman ng bagong kaso ng BA.4 ay pawang local cases din na mula sa Regions 4A, 11, at 12.

Ang naturang resulta ng mga samples na iprinuseso ng San Lazaro Hospital, Research Institute for Tropical Medicine (RITM) at ng University of the Philippines – Philippine Genome Center (UP-PGC), ay inilabas nito lamang Martes. (Philip Reyes)

Tags:

You May Also Like

Most Read