Latest News

DOH: 17,891 bagong kaso ng COVID-19, naitala mula Set. 19-25

Iniulat ng Department of Health (DOH) nitong Lunes na mula Setyembre 19 hanggang 25, 2022 ay umaabot sa 17,891 bagong kaso ng COVID-19 ang naitala sa bansa.

Batay sa National COVID-19 case bulletin, ang average na bilang ng bagong kaso kada araw ngayong linggo ay nasa 2,556.

Mas mataas ito ng 22% kumpara sa mga kaso noong Setyembre 12 hanggang 18.

Anang DOH, sa mga bagong kaso, dalawa sa mga ito ang may malubha at kritikal na karamdaman.

Samantala, mayroon namang naitalang 242 na pumanaw kung saan 29 ay naganap noong Setyembre 12 hanggang 25.

“Noong ika-25 ng Setyembre 2022, mayroong 790 na malubha at kritikal na pasyente na naka-admit sa ating mga ospital dahil sa COVID-19. Sa 2,514 ICU beds para sa mga pasyenteng may COVID-19, 576 (22.9%) ang okupado,” anang DOH.

Samantala, nasa 27.8% ng 21,078 non-ICU COVID-19 beds naman ang kasalukuyan ding ginagamit.

Mahigit sa 73 milyong indibidwal o 93.49% na rin anila ng target na populasyon ang bakunado na laban sa COVID-19 habang 19 milyong indibidwal naman ang nakatanggap na ng kanilang booster shots.

Sa kabilang banda, 6.8 milyong senior citizens o 78.36% ng target A2 population ang nakatanggap na ng kanilang primary series.

“Pinapaalalalahan ang lahat na huwag maging kampante sa banta ng COVID-19. Bagkus, dapat natin ipagpatuloy ang tamang pagsunod sa minimum public health standards sa ilalim ng Alert Level 1. Paalala ng Kagawaran ng Kalusugan na laging magsuot ng best-fitted face mask at kung maari, manatili sa well-ventilated na mga lugar. Sa oras na makaramdam ng sintomas, AGAD NA MAG-ISOLATE. Para sa karagdagang proteksyon laban sa banta ng COVID-19, agad-agaran na tayong magpabakuna at booster,” ayon sa DOH.

Tags:

You May Also Like

Most Read