Iniulat ng Department of Health (DOH) nitong Lunes ng gabi na mula Marso 13 hanggang 19, ay nakapagtala sila ng 1,171 bagong kaso ng COVID-19 sa bansa.
Batay sa National COVID-19 Case Bulletin, ang average na bilang ng bagong kaso ng sakit kada araw ngayong linggo ay nasa 167.
Mas mataas anila ito ng 19% kung ikukumpara sa mga kaso noong Marso 6 hanggang 12.
Sa mga bagong kaso, anim sa mga ito ang may malubha at kritikal na karamdaman habang mayroon namang naitalang 63 na pumanaw sa sakit, ngunit wala ditong naganap noong Marso 6 hanggang 19.
Anang DOH, noong Marso 19, 2023, mayroong 368 na malubha at kritikal na pasyente na naka-admit sa mga ospital dahil sa COVID-19.
Sa 2,040 ICU beds para sa mga pasyenteng may COVID-19, 272 (13.3%) ang okupado habang 2,853 (17.0%) ng 16,735 non-ICU COVID-19 beds naman ang kasalukuyan ding ginagamit.
“Higit sa 78 milyong indibidwal o 100.44% ng ating target na populasyon ang bakunado na laban sa COVID-19 habang 23 milyong indibidwal naman ang nakatanggap na ng kanilang booster shots,” ayon sa DOH.
Sa kabilang banda, 7.1 milyong senior citizens o 82.16% ng target A2 population ang nakatanggap na ng kanilang primary series.
Kaugnay nito, pinapaalalalahan ng DOH ang lahat na huwag maging kampante sa banta ng COVID-19.
“Bagkus, dapat nating ipagpatuloy ang tamang pagsunod sa minimum public health standards sa ilalim ng Alert Level 1,” anang DOH.
Paalala pa ng Kagawaran ng Kalusugan, laging magsuot ng best-fitted face mask at kung maaari, manatili sa well-ventilated na mga lugar.
Sa oras anila na makaramdam ng sintomas ay AGAD NA MAG-ISOLATE.
Para naman sa karagdagang proteksyon laban sa banta ng COVID-19, agad-agaran na tayong magpabakuna at booster. (Philip Reyes)














