Latest News

Sina Mayor Honey Lacuna, Vice Mayor Yul Servo at (kaliwa ni Lacuna) OSCA head Elinor Jacinto kasama ang mga senior citizens na ngayong buwan ay doblado na ang tatanggping monthly allowance mula sa lungsod.

DOBLADONG MONTHLY ALLOWANCE NG SENIOR CITIZENS SA MAYNILA, UMPISA NA NGAYONG BUWAN

By: Jerry S. Tan

SIGURADONG ikatutuwa ng mga senior citizens sa Maynila ang balitang ito.

Simula ngayong Marso ay matatanggap na nila ang doblado nilang monthly allowance mula sa pamahalaang-lungsod ng Maynila.

Ayon kay Manila Mayor Honey Lacuna, mula sa dating P500 lamang ay magiging P1,000 na kada buwan ang monthly allowance na ipinagkakaloob ng lokal na pamahalaan para sa mga lolo at lola.


Kaugnay nito ay inatasan na ni Lacuna si Office of Senior Citizens’ Affairs (OSCA) head Elinor Jacinto upang gumawa ng mga kinakailangang paghahanda para sa quarterly payout ng senior allowance.

Ayon kay Jacinto, sa atas ng alkalde ay magsisimula na sa mga susunod na araw ang quarterly payout ng naturang allowance, kung saan ang mga lolo at lola ay inaasahang tatanggap ng P3,000 bawat isa para sa buwan ng Enero hanggang Marso.

“Simula Marso ay makukuha na po ng ating mga lolo at lola ang kanilang DOBLADONG monthly allowance—mula P500, ngayon ay P1,000 na po ito kada buwan. Magsisimula na po sa susunod na linggo ang kanilang quarterly payout,” ayon pa kay Lacuna.

“Nagawa pong itaas ng Pamahalaang Lungsod ang pinansyal na tulong dahil sa TAPAT at TOTOO na pamamalakad. Posible naman po na makatulong sa mga Manileño nang walang inuutang na pera,” dagdag pa nito.


“Bagamat di pa rin talaga sapat, malaking kaginhawaan na din ito sa ating mga lolo at lola para sa kanilang mga pangangailangan,” ani Lacuna.

Ayon pa kay Lacuna, higit pa sanang mas maaga nadagdagan ang allowance ng mga senior citizens ng Maynila kung hindi lamang umabot sa P17.8 bilyon ang utang na iniwan ni dating Manila Mayor Isko Moreno sa lungsod, na kumakain umano ng malaking bahagi ng pondo ng lungsod.

Pinasalamatan rin naman ni Lacuna ang mga barangay officials para sa kanilang pakikipagtulungan, gayundin ang mga mamamayan dahil sa patuloy na pagsuporta sa mga programa ng pamahalaang lungsod.

Ani Jacinto, ang pag-doble ng senior allowance ay batay sa Ordinance No. 9081 na nilagdaan ng alkalde noong Oktubre ng nakaraang taon bilang sagot umano ni Lacuna sa palagiang hiling ng mga senior citizens tuwing nagdaraos ng“Kalinga sa Maynila” program.


“Walang mintis ang paghiling ng ating mga lolo at lola ng pagtaas ng allowance. Ayaw nila ng kada tatlong buwan kasi me butal. Ang gusto ng ating mga seniors ay buo so ginawa nating P2,000 kada apat na buwan. Ngayon, dinoble na natin,” ani Lacuna.

Dumalo din sa lagdaan ng naturang Ordinance sina Jacinto, Secretary to the Mayor Marlon Lacson at principal authors na sina Councilors Philip Lacuna, Fa Fugoso, Uno Lim, Nino dela Cruz, Atty. Jong Isip, Maile Atienza, Macky Lacson, Lei Lacuna, Charry Ortega at Marjun Isidro.

Ang pagbibigay ng buwanang pinansiyal na ayuda sa mga senior citizens ay nakapaloob sa social amelioration program ng Maynila na ipinasa ng Manila City Council nang si Lacuna pa ang Presiding Officer nito, isang posisyon na kanyang hinawakan kasabay ng pagiging vice mayor noon.

Tags: Manila Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo

You May Also Like

Most Read