DND, NAGPALIWANAG SA PATULOY NA GIYERA KONTRA CPP-NPA

By: Victor Baldemor Ruiz

NILINAW ni Defense Secretary Gilberto Teodoro, Jr., na tanging exploratory talks pa lamang ang nangyayari sa pagitan ng Government of the Republic of the Philippine (GRP) at National Democratic Front of the Philippines (NDFP) kaya hindi pa rin ganap na ititigil ng pamahalaan ang military at law enforcement operation laban sa New Peoples Army, ang armadong galamay ng Communist Party of the Philippines.

Paliwanag ng Kalihim, wala pang gumugulong na usapang pang-kapayapaan sa pagitan ng gobyerno at CPP-NPA-NDF.


Dahilan umano ito kaya magpapatuloy pa rin ang isinasagawa ang law enforcement operations ng Armed Forces of the Philippines (AFP) laban sa teroristang grupo ng CPP-NPA-NDF.

Ibig sabihin, patuloy na tutugisin ng tropa ng gobyerno ang mga armadong grupo na banta sa katahimikan at seguridad ng bansa, ayon na rin sa National Security Council.

Maging si Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) Peace Adviser Carlito Galvez ay nagpahayag na sa kabila ng isinasapinal na pagbabalik sa Usapang Pangkapayapaan, mananatili pa rin ang military at police operations ng pamahalaan laban sa rebeldeng NPA.


Aniya, ang mga inisyal na hakbang para sa peace negotiations ay hindi nangangahulugang magkakaroon na kaagad ng peace talks.

Nabatid na planong tapusin ng militar ang communist armed conflict ngayong taon, habang inanunsyo ni National Security Adviser Secretary Eduardo Año na hindi niya irerekomenda ang Suspension of Military Operations (SOMO) sa CPP-NPA-NDF ngayong panahon ng Kapaskuhan.


Tags: Defense Secretary Gilberto Teodoro, Jr.

You May Also Like