Nagpahayag ng kanilang buong suporta ang pamunuan ng Department of National Defense at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagtalaga kay dating AFP chief at kasalukuyang Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity Secretary Carlito Galvez, Jr., bilang bagong secretary ng Kagawaran ng Tanggulang Pambansa (DND).
Ayon kay DND Spokesperson Arsenio Andolong, kumpiyansa ang defense department na epektibong magagampanan ni Sec. Galvez ang kanyang mandato na pamunuan ang kagawaran dahil sa kanyang malawak na karanasan bilang isang military commander at public servant.
Ipinaabot naman ni Andolong ang pasasalamat ng kagawaran kay dating DND Officer- in-Charge Sr. Undersecretary Jose Faustino, Jr. sa kanyang serbisyo at pamumuno.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction Management Council , isang sangay na pamumunuan din ni Sec Galvez; “Binabati din namin ng buong galak ang butihing Sec. Carlito G Galvez Jr., sa kanyang pagkakatalaga bilang bagong Kalihim ng Tanggulang Pambansa!
Inihayag naman ng Office of Civil Defense na naging malapit na katrabaho ng OCD si Sec. Charlie sa buong panahon ng pandemya habang pinamumunuan niya ang National Task Force on COVID-19.
“Nalulugod kami na muli na naman namin siyang makakatrabaho, ngayon bilang pinuno ng One Defense Team! Mabuhay po kayo, Sec Carlito G Galvez, Jr!,” ayon pa dito.
Samantala, nagpahayag din ng kanilang pagsuporta ang pamunuan ng Armed Forces of the Philippines.
Ayon kay AFP Spokesperson Col. Medel Aguilar, tiwala silang magagampanan ni Galvez ang pamumuno sa DND dahil sa kanyang malawak na karanasan bilang isang military commander at public servant, dagdag pa rito ang pamumuno ni Galvez sa laban sa COVID-19.
Nagpasalamat naman sila kay Faustino sa pamumuno nito sa DND kasabay ng pagpapaabot ng “best wishes” sa susunod na kabanata ng kanyang buhay.
Samantala, bagama’t ‘welcome’ rin sa DND ang appointment ni Galvez, wala pang pahayag ang DND kung may kinalaman ba ang pagbibitiw ni Faustino sa pwesto sa hindi niya pagkakaroon ng secretary status sa kabila ng pagtatapos ng one- year ban.
Magugunita na may mga reports na nagsilabasan hinggil sa ‘mass resignation’ ng ilang defense officials. Ang dahilan ay kung tatanggalin sa pwesto si retired AFP chief LtGen. Bartolome Bacarro.
Ayon sa report, nabanggit na umano ni Faustino sa ilang malalapit na kaibigan na siya ay magbibitiw sa pwesto kung papalitan sa pwesto si Bacarro.
Una nang nagkaroon ng mga ispekulasyon na ang pagbibitiw ng ilang DND officials ay naging sanhi ng mga galawan o unusual movement o destabilisasyon , dahilan para magtaas ng alerto ang PNP nuong Sabado kasabay ng change of command sa AFP.
Sa isinagawang turn-over ceremony noong Sabado, hindi dumalo si Pangulong Bongbong Marcos, Jr. at ang presiding officer ay si Executive Secretary Lucas Bersamin. Hindi rin dumalo si Usec Faustino sa seremonya.
Samantala, itinanggi naman ni AFP Public Affairs Office (PAO) Chief Col. Jorry Baclor ang ulat na may mga naganap na ‘unusual movement’ ng mga tangke at tropa sa Camp Aguinaldo.
Sinabi ni Baclor at Aguilar na nanatiling focused at mataas ang morale ng kasundaluhan dahil sa pagiging isang professional organization nito. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)














