Ginagarantiyahan ngayon ni Gilberto C. Teodoro, Jr., Kalihim ng Tanggulang Pambansa (SND) ang pangako ng Department of National Defense (DND) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na pagsuporta sa Commission on Elections (COMELEC) kaugnay sa gaganaping barangay elections sa darating na Oktubre 30, 2023.
“We pledge to work closely with the COMELEC in ensuring that this election is a success. Kapag hindi po successful itong Barangay Elections na ito na sinasabi na nga po natin ay foundational, sisiklab na naman ang internal instability natin, madidistract na naman ang AFP, for that matter, and even the Coast Guard, for what we need to do,” pahayag ni Sec Teodoro kasunod ng paglagda sa Memorandum of Agreement (MOA) ng DND at ng COMELEC’s Committee on Kontra Bigay.
Ang Committee on Kontra Bigay, sa pamamagitan ni COMELEC Chairman George Erwin M. Garcia, ay bumalangkas ng kasunduan kay Secretary Teodoro maging sa Armed Forces of the Philippine para masawata ang talamak na vote buying at mapanatili ang maayos at mapayapang halalan.
Ang pagpirma ay sinaksihan nina Commissioner Ernesto Ferdinand P. Maceda, Jr., Commissioner-in-Charge ng Committee on Kontra Bigay, at AFP Chief of Staff Gen Romeo S Brawner Jr.
Layunin ng Committee on Kontra Bigay na labanan ang nakalulungkot na kaugalian ng pagboto particular ang pamimili ng boto, at isulong ang panawagan ng sama-samang pagsisikap na puksain ang impluwensya nito sa demokratikong proseso.
“Ito po ay talagang talamak na nagpo-pollute sa ating demokrasya. Ang tao, naiimpluwensyahan ng mga bagay na hindi kanais-nais. Kaya po ang fault niyan ay nasa namimigay,” aniya.
Samantala, nilagdaan din ni Heneral Brawner ang isang hiwalay na MOA kasama si Commissioner Garcia, kung saan itinatalaga ng COMELEC ang AFP para sa layuning matiyak ang isang malaya, maayos at mapayapang barangay elections.
Tumangap ang AFP chief mula sa COMELEC ng tseke na nagkakahalaga ng PHP 40 milyon bilang support fund para sa administrative, operational at logistical ng military, mga pangangailangan habang ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin kaugnay ng paparating na halalan.
“Nagpapasalamat po kami sa pagkakataon na itong memorandum na ito ay, para sa akin hindi lamang memorandum, kung hindi, senyales po ito ng pagtitiwala po Ninyo sa amin. Ito po ay aming pahahalagahan at pangangalagaan,” dagdag ni Secretary Teodoro.
“Hindi sana masira ang tiwala ninyo at ng taong bayan sa inyong Department of National Defense at Sandatahang Lakas ng Pilipinas.”