DND-AFP, US EMBASSY, ‘DEDMA’ SA ISYU NG PAGTATAMBAK NG 39 MILLION GALON NG MILITARY FUEL SA SUBIC

By: Victor Baldemor Ruiz

HINDI agad naglabas ng tugon o reaction ang Department of National Defense, Armed Forces of the Philippines, maging ang United States Embassy sa Maynila hinggil sa kumalat na ulat na nakatakdang itambak ng United States Armed Forces ang may 39 million gallon ng military fuel sa Subic.

Ito ay matapos na ilantad ng ilang grupo kabilang ang Hawaii Peace & Justice na naka-base sa Hawaii na siyang kinaroroonan ng kontrobersyal na US Navy-run Red Hill Underground Storage Facility na nasa Honolulu ang umano’y massive fuel transfer sa Pilipinas.

Ayon sa grupo, dapat umanong linawin ng US ang massive military fuel transfer mula sa US Navy Storage facility sa Hawaii na sinasabing 39 million gallon nito ay itatambak sa Subic na hindi naman kabilang sa pinagtibay na EDCA sites.


Maging si Senadora Imee Marcos ay humihingi umano ng paliwanag sa Department of National Defense at Armed Forces of the Philippines hinggil sa napabalitang shipment ng 39 million gallons ng fuel ng U.S. Navy mula Pearl Harbor patungong Subic.

Isang senior official ng AFP ang nagsabing kung may tugon man sila hinggil dito ay direkta nilang ibibigay ang sagot kay Sen. Imee Marcos na Chairman ng Senate Committee of Foreign Relations.


Maging ang tagapagsalita ng US Embassy ay nagpahayag na hindi muna nila masasagot ang isyu dahil makikipag-koordinasyon muna sila sa U.S Indo Pacific Command (INDOPACOM) kaugnay sa mga tanong hinggil sa napabalitang fuel transfer.

SInasabing base sa mga nakalap na datos mula sa ilang international shipping trackers, ikinarga ang oil cargo sa isang U.S.-registered tanker, Yosemite Trader, noong December 20 at pinaniniwalaang nasa Philippine territory na .


Bahagi umano ang nasabing shipment ng ikawalo at final batch ng military fuel na inalis sa mula sa Red Hill’s massive 80-year-old tanks na nasa 100 piye sa ibabaw ng aquifer na pinagmumulan ng tubig-inumin ng mga taga -Honolulu.

Sa isang pulong balitaan ay hiniling ng ilang militanteng grupo na ilantad kung saan dadalhin ang mga inalis na fuel at kung saan ito gagamitin.

Tags: Senadora Imee Marcos

You May Also Like

Most Read