DMW: Pinoy, sugatan sa Hamas attack sa Israel; 5 pa, nawawala

By: JANTZEN ALVIN

Iniulat kahapon ng Department of Migrant Workers (DMW) na isang Pinoy ang kumpirmadong sugatan habang lima pa ang nawawala, kasunod nang naganap na Hamas attack sa Israel nitong weekend.


Ayon kay DMW officer-in-charge Hans Leo Cacdac, nasa maayos namang kondisyon ang naturang Pinoy na nadaplisan umano ng bala sa kanyang braso at nilalapatan na ng lunas sa pagamutan.

Sinabi rin ni Cacdac na nasa 25 overseas Filipino workers (OFWs) na at kanilang mga pamilya ang kanilang natulungang mailipat sa mas ligtas na lugar sa Israel matapos ang mga pag-atakeng naganap nitong weekend.

Mayroon pa rin naman aniyang limang Pinoy sa Israel ang pinaghahanap pa nila sa ngayon.


Dalawa aniya sa mga ito ang magkasamang nagtatrabaho sa isang farm habang ang tatlo pa ang sa hiwa-hiwalay na lugar naman nagtatrabaho.

Paglilinaw naman ni Cacdac na hindi nila iniisip na napahamak ang mga ito at sa halip ay maaari aniyang nasa isang safe room o ligtas na tahanan na malapit sa kanilang pinagtatrabahuhan at hindi sa lugar kung saan sila unang nairehistro.


“It’s possible that they are in safe rooms or in houses where they are far from or not where they were initially registered. In other words, they [may have] transferred or decided to move to places where their fellow Filipinos might be or where they feel they would be safer,” pahayag pa ni Cacdac, sa panayam sa telebisyon. “We are not necessarily thinking that they’re in harm’s way, but rather it’s just a matter or an effort to find them, locate them.”

Batay sa ulat, ang death toll mula sa kaguluhan ay umabot na sa 1,100 hanggang nitong Lunes, na siyang ikatlong araw ng sagupaan.


Tags: Department of Migrant Workers (DMW)

You May Also Like