DMW, pananagutin ang sangkot sa pagpapalit ng labi ng OFW na nasawi sa Lebanon

By TONY GILDO

Tiniyak ng Department of Migrant Workers (DMW) na pananagutin ang sinumang mapatutunayang responsable sa pagkakapalit ng mga labi ng OFW na si Rone Jean Gervoso na nasawi sa Lebanon.


Inatasan na rin ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac ang Labor Attaché sa Lebanon na makipag-ugnayan sa mga awtoridad at magsagawa ng mga kinakailangang legal na hakbang upang matukoy at mapanagot ang mga sangkot sa insidente.

Nakipagpulong din si Secretary Cacdac kay Sibalom Mayor Gian Carlo Occeña upang pagtibayin ang koordinasyon sa pagbibigay ng legal, pinansyal at iba pang kinakailangang tulong sa pamilya ni Gervoso.

Aniya, bahagi ito ng patuloy na pangako ng pamahalaan na protektahan ang kapakanan ng mga OFW at tiyaking may sapat na suporta ang kanilang mga mahal sa buhay, lalo na sa panahon ng matinding pagsubok.


Ang pahayg ni Cacdac ay kasunod ng personal na pagbisita nito sa Sibalom, Antique upang ipaabot ang pakikiramay ng pamahalaan at tiyakin ang tuloy-tuloy na suporta sa pamilya ng nasawing OFW.


Tags: Department of Migrant Workers (DMW)

You May Also Like