Binalaan kahapon ng Department of Migrant Workers (DMW) ang publiko laban sa mga tiwaling indibidwal na nagpapakilalang empleyado nila upang makapanloko ng kanilang kapwa.
Sa abiso ng DMW, nabatid na nakatanggap sila ng impormasyon na may ilang indibidwal ang nagpapanggap na kawani nila at nangre-recruit ng tao pang magtrabaho sa abroad.
Giit naman ng DMW, peke ang mga ito at hindi nila totoong empleyado.
“BABALA sa publiko sa pagkalat ng mga indibidwal na nagpapanggap na taga-DMW upang makapanloko at mag-recruit para sa trabaho abroad. PEKE ang mga ito. HINDI NAMIN SILA EMPLEYADO,” ayon pa sa DMW.
“Mag-ingat sa sinumang magpapakilala na sila ay taga-DMW at mag-rerecruit ng trabaho pa-abroad – SCAM po yan,” anito pa.
Hinikayat rin naman ng DMW ang sinuman ang nakakita o nanakakilala sa mga naturang tiwaling indibidwal na kaagad isumbong sa kinauukulang o sa kanilang tanggapan.
“Kung nakikilala nyo po ang mga nasa larawan paki-report po ito sa sa e-mail na airtipinfo@dmw.gov.ph o maaari din pong i-PM nyo dito sa FB upang matulungan namin kayo,” anang DMW.














