Kinumpirma kahapon ng Department of Migrant Workers (DMW) na pinagtibay ng Kuwait Appeal Court ang guilty verdict at sentensiyang ipinataw nito sa killer ng overseas Filipino worker (OFW) na si Jullebee Ranara.
Laking pasalamat naman ng DMW dahil sa naturang desisyon ng hukuman ng Kuwait.
“We welcome the ruling of the State of Kuwait’s Appeal Court upholding the guilty verdict and sentence of 16 years imprisonment against the accused for the murder of OFW Jullebee Ranara. The Appeal Court fully adopted the guilty verdict and sentence against the accused,” ayon kay DMW officer-in-charge Hans Cacdac.
Matatandaang ang sinunog na bangkay ni Ranara ay natagpuan sa disyerto ng Gulf State noong Enero 21, 2023.
Lumitaw sa awtopsiya na buntis si Ranara nang isagawa ang pagpatay sa kanya at malaunan ay natukoy na ang menor de edad na anak na lalaki ng kanyang amo ang may kagagawan ng krimen.
Noong Setyembre 2023 naman, pinatawan ng hukuman ng parusang 15-taong pagkabilanggo ang suspek dahil sa kasong pagpatay at karagdagan pang isang taon dahil sa pagmamaneho ng walang lisensiya.
Anang DMW, naimpormahan na nila ang pamilya ni Ranara hinggil sa naging hatol ng Kuwait court.
“We have informed the Ranara family of the Court’s ruling and have assured them of our continued utmost support and assistance, as directed by the President,” ani Cacdac.
Dagdag pa ni Cacdac, binigyan na rin niya ng instruksiyon ang Migrant Workers Office in Kuwait (MWO-Kuwait) na makipagtulungan sa kanilang retained legal counsel para sa paghahain ng isang civil action for damages laban sa ama ng convicted perpetrator.