By: JANTZEN ALVIN
Nagpa-abiso kahapon ang Department of Migrant Workers (DMW) sa publiko, partikular na sa mga overseas Filipino workers (OFWs), na pansamantalang ‘inaccessible’ ang DMW app dahil sa pagsailalim sa maintenance works.
Sa abiso ng DMW, nabatid na sinimulan ang maintenance activity at pag-upgrade sa DMW app dakong alas-12:01 ng madaling araw kahapon, Nobyembre 14, ‘until further notice.’
Pinayuhan rin naman ng DMW ang lahat ng OFW-applicants na kumuha na lamang muna ng kanilang OFW Pass/Overseas Employment Certificate (OEC) online sa pamamagitan ng POPS-BaM o kaya ay personal na kumuha nito sa Migrant Workers Offices (MWOs), DMW Regional Offices, o sa DMW Central Office.
Ayon sa DMW, layunin ng maintenance work na paghusayin pa ang functionality, performance, at security ng DMW App.
Kaagad umano silang maglalabas ng update sa publiko hinggil sa progreso ng naturang aktibidad.
Pinayuhan rin nila ang publiko na para sa anumang concerns at assistance, ay maaaring makipag-ugnayan sa DMW Contact Center sa pamamagitan ng ofwpass@dmw.gov.ph; fb.com/dmw.gov.ph; WhatsApp/Viber: +63 908 326 8344, +63 927 147 8186, at +63 920 517 1059.














