DMW: 9 OFWs pa mula Lebanon, nakauwi na sa bansa

By: Jerry S. Tan

Iniulat ng Department of Migrant Workers (DMW) kahapon na siyam na overseas Filipino workers (OFWs) pa mula sa Lebanon ang ligtas na ring nakauwi sa bansa.

Ayon sa DMW, ang mga naturang Pinoy ay lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sa Pasay City, lulan ng Qatar Airways flight QR928 kamakalawa ng gabi.


Nabatid na nagpasya ang mga naturang Pinoy na bumalik na sa Pilipinas bunsod nang patuloy na lumalalang tensiyon sa pagitan ng Israel at ng mga militanteng grupong Hezbollah, na isang Lebanon-based militant group na nakikisimpatiya sa Hamas.

Mismong si DMW Officer-in-Charge Hans Leo J. Cacdac naman ang personal na umasiste sa mga naturang umuwing OFWs.

Tiniyak rin ni Cacdac sa mga ito na pagkakalooban sila ng kakailanganing tulong at iba pang uri ng suporta mula sa pamahalaan.


Ani Cacdac, sa ngayon ay kabuuang 19 OFWs na ang nakauwi sa Pilipinas mula sa Lebanon.


Tags: Department of Migrant Workers (DMW)

You May Also Like