Iniulat kahapon ni Department of Migrant Workers (DMW) Officer-In-Charge (OIC) Hans Leo Cacdac na umaabot na sa 555 overseas Filipino workers (OFWs) na apektado nang nagaganap na kaguluhan sa pagitan ng Israel at Hamas, ang napauwi na nila sa bansa.
Ayon kay Cacdac, ang mga naturang OFWs ay na-repatriate at natulungang makauwi sa Pilipinas, mula sa Israel at Lebanon.
“Ang total na nakauwi na, thus far, is 555,” ani Cacdac, sa panayam sa radyo.
Kaugnay nito, sinabi ni Cacdac na inaasahan nilang madaragdagan pa ang naturang bilang dahil target aniya ng DMW na makapag-repatriate pa ng mas maraming Pinoy mula sa Israel.
Ayon kay Cacdac, sa ngayon ay mayroon pang 83 indibidwal na pinuproseso na nila upang makauwi ng Pilipinas. Ito na aniya ang magiging ika-15 batch ng mga Pinoy repatriates mula sa Israel.
Dagdag pa niya, “Of course, this is still a live count. Posibleng hindi mahinto sa 83 ‘yung minamanmanan nating sitwasyon.”
Tiniyak rin naman ni Cacdac na ang lahat ng Pinoy repatriates na mula sa Israel ay pagkakalooban ng tulong pinansiyal ng pamahalaan na aabot sa P100,000 cash upang makapagsimula muli at makapagtayo ng kahit na maliit na negosyo.
Nagbibigay rin aniya ang TESDA sa mga repatriates ng training commitment at training vouchers sa kahit anong accredited institution at kahit anong kurso ng TESDA, habang trabaho naman ang alok ng DOLE at DMW sa mga ito.
Sinabi pa ni Cacdac na naging matagumpay ang isinagawang repatriation sa mga OFWs dahil sa pagtutulungan ng DMW at ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), katuwang ang Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Health (DOH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Labor and Employment (DOLE), at ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).