Latest News

DMW: 43 Pinoy na mula sa Israel, dumating na rin sa Pinas

By: Jerry S. Tan

Kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) na dumating na rin sa bansa kahapon ang 43 pang Pinoy, na kinabibilangan ng isang sanggol, na tumatakas mula sa Israel bunsod ng kaguluhang nagaganap doon.

Ayon sa DMW, dakong alas-3:00 ng hapon nang lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ang mga Pinoy, lulan ng Etihad Airways flight EY-425.

Nabatid na ito na ang ikaanim na batch ng mga Pinoy na nai-repatriate sa bansa, simula nang sumiklab ang giyera sa pagitan ng Israel at mga militanteng Hamas.


Nitong Lunes, una na ring dumating sa bansa ang ikalimang batch ng mga repatriates, na binubuo naman ng 23 Pinoy, kabilang ang isang sanggol.

Kabilang sa kanila si Mary June Prodigo, na kapatid ng ikaapat na Pinoy na napatay sa Israel na si Grace Prodigo Cabrera. Bitbit ni Prodigo ang mga labi ng kanyang kapatid sa kanyang pagbalik sa bansa.

Ayon kay DMW Officer-In-Charge (OIC) Hans Leo Cacdac, sa ngayon ay 184 na kabuuang bilang ng mga OFWs na dumating sa bansa.

Nabatid na bawat repatriates ay pinagkalooban naman ng repatriation assistance package na tig-P50,000 ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).


Tags: Department of Migrant Workers (DMW)

You May Also Like

Most Read