Dumating na sa bansa kahapon ang panibagong batch ng mga overseas Filipino workers (OFWs) na umuwi mula sa bansang Israel.
Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), dakong alas-3:10 ng hapon nang lumapag sa Terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Pasay City, ang mga OFWs, sakay ng Eithad Airways Flight EY 424.
Nabatid na ito na ang ikasiyam na batch ng mga OFWs mula sa Israel na umuwi sa bansa.
Sila ay binubuo ng 30 hotel workers, 12 caregivers, at limang bata.
Pinagkalooban sila ng DMW at iba pang government agencies ng tulong pinansiyal upang makauwi sa kanilang mga lalawigan at makapagsimula ng bagong buhay.
Ayon sa DMW, hanggang nitong Nobyembre 23, umaabot na sa 299 OFWs ang nai-repatriate nila sa bansa, simula nang sumiklab ang giyera sa Israel.