DMW: 39 Pinoy na nananatili pa rin sa Gaza, makatatawid na rin sa Rafah border

By: Philip Reyes

Kinumpirma kahapon ni Department of Migrant Workers (DMW) officer-in-charge Hans Leo Cacdac na nasa 39 Pinoy, na nananatili pa rin sa Gaza, ang inaasahang makatatawid na rin sa Rafah border patungong Egypt, sa lalong madaling panahon.

Ayon kay Cacdac, base sa datos mula sa Department of Foreign Affairs (DFA), nasa 98 na ang mga Pinoy, o 71.5% ng 137 Pinoy na nakabase sa Gaza, ang nailikas sa Egypt.


May ilan na rin aniya sa mga ito ang matagumpay na nai-repatriate sa bansa.

Sa ngayon aniya ay patuloy ang pagtatawid nila sa mga natitira pang mga Pinoy doon.

“…sinasabi na ‘yung natitirang 39 ay makakatawid na rin as soon as possible,” ayon pa kay Cacdac, sa panayam sa radyo.


Una nang sinabi ng border authority sa Gaza nitong Sabado, na ang Rafah land na patawid sa Egypt, ay muling bubuksan nitong Linggo para sa mga foreign passport holders at kanilang mga dependents.

Sinimulan umano ang pagbubukas nito para sa mga dayuhan at mga medical evacuees dakong alas-9:00 ng umaga local time doon o alas-3:00 ng hapon sa Pilipinas.


Tags: Department of Migrant Workers (DMW)

You May Also Like