By: JANTZEN ALVIN
Kinumpirma kahapon ng Department of Migrant Workers (DMW) na ligtas na mula sa kapahamakan ang tatlong Pinoy seafarers na nasaktan sa naganap na Russian missile attack, na nagresulta sa pagkasira ng isang Liberian-flagged civilian vessel sa Black Sea.
Hindi na muna pinangalanan ni DMW officer-in-charge Hans Leo Cacdac ang mga nasaktang Pinoy ngunit sinabing isa sa mga ito ay isang engine trainee na nagkaroon ng fracture sa kanyang kaliwang kamay at kasalukuyan nang ginagamot sa isang di tinukoy na ospital.
Ang dalawang iba pa naman aniya na nasugatan ay ang kapitan mismo ng barko at ang third mate nito, na kapwa nagtamo lamang ng minor injuries. Sila ay kapwa nasa ligtas nang kalagayan at nananatili pa ring nakasakay sa barko.
“Ang ulat na natanggap namin ay out of harm’s way at out of danger ‘yung tatlong tripulante natin,” ayon kay Cacdac, sa isang media interview.
Paliwanag pa ni Cacdac, nagkataon lamang na ang mga biktima ay nasa tulay kung saan nagkaroon ng impact ang missile kaya’t nasaktan ang mga ito.
Mabuti na lamang aniya at bahagya lamang ang pinsalang tinamo ng mga naturang Pinoy.
Tiniyak rin ni Cacdac na naimpormahan na nila ang mga pamilya ng mga biktima.
Nakikipag-ugnayan na rin aniya ang Overseas Workers’ Welfare Administration (OWWA) sa licensed manning agency ng barko upang alamin kung kakailanganin bang i-repatriate ng mga Pinoy seafarers.
Batay sa ulat, isang Russian missile ang tumama sa barko ng mga tripulante nang makapasok ang mga ito sa Black Sea port sa Odesa region, upang maghatid sana ng iron ore sa China.
Bukod sa nasugatang tatlong Pinoy seafarers, ang naturang insidente ay nagresulta rin sa pagkamatay ng isang indibidwal at pagkasugat ng isang empleyado ng daungan.