Dumating na sa bansa ang 23 pang Pinoy na mula sa Israel kahapon habang 42 iba pa ang inaasahang uuwi na rin sa Pilipinas ngayong Martes.
Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), ang ikalimang batch ng mga Pinoy mula sa Israel, ay kinabibilangan ng 22 Pinoy at isang sanggol.
Sila ay lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 bago mag-alas-3:00 ng hapon sakay ng Etihad Airways Flight EY-424 at sinalubong ng mga opisyal ng pamahalaan, sa pangunguna ni DMW Officer-In-Charge Undersecretary Hans Leo Cacdac at Israeli Ambassador to the Philippines Ilan Fluss.
Ayon kay Cacdac, kabilang sa mga naturang returning overseas Filipino workers (OFWs) si Mary June Prodigo, na kapatid ng OFW na si Mary Grace Prodigo-Cabrera, na isa sa apat na Pinoy caregivers na nasawi sa Israel, sa unang araw ng mga pag-atake na isinagawa ng mga Hamas.
Ani Cacdac, dala ni Mary June sa kanyang pagbalik sa Pilipinas ang mga labi ng kanyang kapatid.
Samantala, iniulat rin ng DMW na ang ikaanim na batch naman ng mga Filipino workers na tumatakas sa nagaganap na kaguluhan sa Israel ay nakatakda na ring dumating sa Pilipinas ngayong Martes.
Nabatid na ang naturang batch ay binubuo ng 42 Filipino workers.
Sinabi ni Cacdac na dahil sa pagbalik sa bansa ng naturan pang dalawang batch ng mga OFWs ay aabot na sa kabuuang 184 ang mga OFWs na nakauwi na sa Pilipinas mula sa Israel.
Inaasahan na rin aniya nilang mas marami pang OFWs ang magbabalik-bayan na sa mga susunod na araw bunsod nang lumalalang kaguluhan sa naturang bansa.
“The DMW expects more returning overseas Filipino workers as hostilities between Israel’s Defense Forces and Hamas show no signs of toning down in the coming weeks,” anang DMW.














