Latest News

Divorce, makakapinsala sa pamilyang Pilipino

By: Carl Angelo

Iginiit ng Simbahang Katoliko ang kanilang pagtutol sa pagkakaroon ng diborsyo sa Pilipinas.

Sinabi ni Novaliches Bishop-emeritus Teodoro Bacani, Jr. na dapat ipagmalaki ng bansa na kabilang ang Pilipinas sa dalawang bansa na hindi pinapairal ang divorce.

Ayon sa Obispo , malaking pinsala sa pamilyang Pilipino ang dulot ng paghihiwalay ng mga mag-asawa sa halip na benepisyong matatamo mula sa diborsyo.

“The harm done by divorce to the family is greater than the benefit for the family because of divorce,” giit ni Bishop Bacani sa panayam ng Radyo Veritas.

Ginawa ng Obispo ang pahayag matapos aprubahan ng Senate Committee on women, children, family relations, and gender equality ang ang Senate Bill 2443 o ang absolute divorce bill.

Ayon sa komite, sa kabila na kinikilala ng estado ang kasagraduhan ng pamilya, tungkulin din ng pamahalaan na pangalagaan ang dignidad ng tao na ginagarantiyahan ang paggalang sa karapatang pantao, pagkakapantay-pantay sa harap ng batas at pangangalaga sa mga kabataan.

Sinabi ni Bishop Bacani na hindi na kinakailangan pa ang pagkakaroon ng diborsyo o mas pinadaling paghihiwalay ng mga mag-asawa dahil sa hindi pagkakasundo lalo’t mayroon nang umiiral na legal separation at nullity of marriage sa Pilipinas

Binigyang-diin pa ng Obispo na dapat ay makita ng mga mambabatas ang mga pag-aaral at resulta ng pagkakaroon ng magkahiwalay na magulang at ang epekto ng paghihiwalay sa kanilang mga anak.

Tags: ,

You May Also Like

Most Read